Richard Gutierrez Climbs the Mountains of Kalinga in 'Pinoy Adventures'
“Pinoy Adventures” will feature the ecotourism discovery destination of the north, Kalinga.
Ngayong Linggo, huwag magpaiwan sa bagong adventure ni Richard Gutierrez sa kinikilalang ecotourism discovery destination of the north, ang probinsiya ng Kalinga.
Sa kanyang pag-akyat sa bulubunduking Cordillera, makakatikim ng masarap na salubong si Richard Gutierrez mula sa mga tagarito. Isang panciteria ang kanyang dadayuhin para matikman ang pansit batil patung—ang Tuguegarao version ng stir fried noodles na ginagamitan ng karne ng kalabaw! Pero bago siya kumain, niyaya siya ng may-ari na magluto. Papasa nga kaya ang kanyang timpla sa mga taga Tuguegarao?
Matapos ang food trip at habang sila’y naglalakbay, biglang gumuho ang lupa at natabunan ang kalsada. Mabuti na lang at nakilala nina Richard si Lakay Appad na nag-alay para sa kanila ng sariwang baboy sa kinikilalang diyos ng mga katutubo na si Kabunian. Tumirik ang araw at nagpatuloy sa biyahe ang Pinoy Adventures. Sa kabila ng pagsubok ng panahon, napakagandang kapalit naman ang nasaksiksihan ni Richard at ng team—berdeng bundok na kung saan halos hinhalikan na ng ulap ang lupa, napakaraming rice terraces na nagpapatunay ng matandang sibilisasyon ng ating mga ninuno at ang iba’t-ibang tribo na singkulay ng bahag-hari ang kanilang kasaysayan. Ang Kalinga daw ay bundok ng mga matatapang at nakaharap ni Richard ang mga ‘headhunter’; at isa pang tribo na tadtad ng tattoo na kung saan tinik ng sanga ng kalamansi ang ginamit sa pagmamarka ng mga katawan. Nakilala din ni Richard ang pinakamatandang magta-tattoo na si Wang-Od at ang mga parokyano nitong mga lola ng tribo. Dito rin sa kabundukan ng Kalinga nabuhay at namatay ang isa sa mga kinikilalang bayani ng kalikasan—si Macli-ing Dalug. Namatay siya dahil kinontra niya ang pagtayo ng Chico Dam Project ng rehimeng Marcos.
Paano nga ba mabubuhay ang mga dayo sa bundok ng Kalinga? Si Richard Gutierrez, nag-enjoy kahit walang hotel at may oras lang ang kuryente. Paano? Sumama sa Linggo sa PINOY ADVENTURES, pagkatapos ng I-Bilib sa GMA-7 !
0 comments:
Post a Comment