The Kapamilya Network Opens Doors to Pinoy with Ideas for Online Shows
Binibigyang pagkakataon ng ABS-CBN chairman na si Eugenio “Gabby” Lopez III ang mga Pilipinong bumuo ng konsepto maaaring maipalabas bilang bagong materyal o programa sa Internet na papatok sa publiko.
Sa ikapitong Internet and Mobile Marketing Summit noong Biyernes (Agosto 30), inanunsyo ni Lopez na gustong tularan ng ABS-CBN ang video-sharing website na YouTube, na gumawa ng mga bago at orihinal na channels para sa mga celebrity, online video creators, at studios sa Hollywood.
“Kung ano ang ginagawa ng YouTube para sa mundo, gagawin ng ABS-CBN para sa IMMAP members at sa Pilipinas. Kung may ideya kayo, magtulungan tayo. Ipadala ninyo sa amin ang inyong mga konsepto na sa tingin niyo ay papatok sa Internet,” sabi ni Lopez.
Aniya, pipili ang ABS-CBN ng lima o higit pang mga proyekto na popondohan, bubuuin, at ipapalabas nito sa angkop na online platform. Maaaring ipadala ang mga nabuong konsepto sa collabstudio@abs-cbn.com bago matapos ang taon.
Kapag nagtagumpay umano ang mga proyektong ito online, maaaring ipalabas ito sa telebisyon at kumita pa ang bumuo ng konsepto.
Nagmungkahi si Lopez na maaaring lumikha ng mga ideyang maaaring maiprodus para sa kung tawagi’y ‘webisodes’ hango sa top-rating primetime teleserye “Got to Believe.” Ngunit, hinimok niya rin ang publiko na huwag lamang ilimite ang kanilang entries sa mga teleserye at mag-isip pa ng ibang konseptong tiyak na papanoorin ng maraming Pinoy.
Ang collaboration project na ito ng ABS-CBN ay isang paraan para lalo pang mas lumawak ang impluwensiya ng network sa Internet. Ani Lopez, umaabot sa 100 milyong views kada buwan ang naitatala ng online properties ng ABS-CBN, kabilang na ang video-streaming website na iWant TV at YouTube channels nito.
Samantala, nagbahagi rin ng kanyang kaalaman ang chief digital officer ng ABS-CBN at founding president ng IMMAP na si Donald Lim ukol sa digital public relations sa kanyang presentation na “Boom! Engage or Monitor?”
Kabilang sina Lopez at Lim sa mga maimpluwensyang personalidad at eksperto nagsilbing speakers sa ikapitong Internet and Mobile Marketing Summit, na taunang idinaraos ng Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines, isang samahan ng Internet at mobile marketing establishments sa bansa.
0 comments:
Post a Comment