Tuesday, November 13, 2012

Secretary Jessie Robredo Plane Crash Investigation Result Released

Secretary Jessie Robredo Plane Crash Investigation Result Released


The result is out. A fraudulent test flight clearance of Piper Seneca plane caused the death of late DILG Secretary Jessie Robredo in August.

Here’s the official statement of President Benigno "Noynoy" Aquino on the result of investigation conducted by Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) as delivered in MalacaƱang on November 13, 2012:

Pahayag
ng 
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III 
Ukol sa imbestigasyon sa pagkasawi ni Jesse Robredo

[Inihayag sa President’s Hall, Palasyo ng MalacaƱan, noong ika-13 ng Nobyembre 2012]

Halos tatlong buwan na po ang nakalilipas mula nang nasawi si Jesse Robredo. Isang bansa tayong nagluksa sa kaniyang pagkawala, at isang bansa tayong nagbuhos ng pakikiramay at suporta, hindi lamang kina Leni at sa kanilang tatlong anak, kundi maging sa lahat ng umasa, nagtiwala, humanga at naiwan ni Jesse.

Bahagi ng pagbabalik-tanaw natin sa mga alaala’t pamana ni Jesse, ay ang pagbibigay-linaw sa tunay na nangyari sa pagbagsak ng sinasakyan nilang eroplano, gayundin ang paniniguro na managot ang sinumang may kakulangan at sangkot sa trahedyang ito. Isang komiteng binubuo ng mga dalubhasa mula sa aviation industry ang itinalaga natin upang mag-imbestiga, maglikom ng testimonya, magsiyasat ng mga ebidensya, at maghain ng mga rekomendasyon ukol dito.

Nang una po nating mabasa ang inisyal na resulta ng imbestigasyon, magkahalong lungkot at pagkadismaya po ang ating naramdaman. Iisa po kasi ang itinuturo ng mga ebidensya: kung tama lang ang ginawa ng ilang tao, kung sinunod lang ang mga patakaran ng industriya, kung nanatili lang na matapat sa kanilang obligasyon ang ilang sangkot, tiyak pong naiwasan dapat ang nangyaring trahedya. Nais ko lang pong linawin: Hindi po pagbabatuhang-sisi ang gusto nating gawin; hangad natin ay katarungan, hindi lang para kay Jesse, kundi maging sa iba pang nasawi; hangad natin ay maiwasan na maulit ang ganitong pangyayari.

Heto po ang resulta ng imbestigasyon: Bagaman marami ang nagsabing ekspertong piloto si Captain Jessup M. Bahinting, wala siyang angkop na karanasan at kasanayan sa one-engine inoperative emergency. Malinaw ito nang nabigo niyang panatilihin ang ligtas na paglipad ng eroplano nang iisang makina na lamang ang gumagana. Bukod dito, dalawampu’t tatlong minuto matapos silang mag-take-off sa Mactan, batid na ng piloto na palyado ang kanilang makina, subalit sa halip na bumalik, tumulak pa rin sila sa Naga. Inabot pa sila ng pitumpung minuto sa himpapawid bago ang kanilang pagbagsak. Ibig sabihin, kung agad silang bumalik sa Mactan, mataas ang posibilidad na naiwasan ang aksidente.

Pangalawa, taliwas sa Piper Seneca Flight Manual Procedures for twin-engine planes ang pagbababa niya ng landing gear at flaps kahit na hindi tiyak kung aabot sila sa runway ng Masbate. Ayon sa mga eksperto, dumagdag ito sa “drag,” na siyang nagpabagal sa eroplano, hanggang sa hindi na ito makontrol, at tuluyang bumagsak.

Larawan rin ng kakulangan ng checks and balances ang Aviatour’s. Napatunayan sa imbestigasyon na mismong mga mekaniko ng Aviatour’s ang nagkukumpuni ng Piper Seneca, gayong hindi naman sila awtorisado ng manufacturer na magsagawa ng maintenance sa nasabing eroplano. Dahil sa patung-patong at pare-parehong tungkulin ng kanilang mga opisyal, nagkakaroon ng conflict of interest, kaya hindi nabibigyan ng tamang atensyon ang ligtas na kondisyon ng eroplano.

Base sa ilang papeles na nalikom ng investigation panel, sangkot rin di umano sa kuntsabahan ang Aviatour’s at ang isang inspektor ng CAAP sa tahasang paglabag sa mga regulatory requirements. Nobyembre 2011 nang pinalitan ang right-hand engine propeller ng bumagsak na Piper Seneca. Upang matiyak na ligtas sa paglipad ang eroplano, nag-file ng propeller overhaul report si Ginoong Nelson Napata, ang Director for Maintenance ng Aviatour’s noong Enero, na agad namang inaprubahan ng CAAP Airworthiness Inspector na si Ginoong Fernando Abalos. Ayon sa aircraft test flight report ng CAAP, nabigyan ng test flight clearance, inabot ng isang oras ang test flight, at “satisfactory” ang kondisyon ng Piper Seneca.

Subalit ayon sa isinagawang imbestigasyon, walang record sa aircraft logbook ang nasabing test flight. Wala ring nakatalang flight plan dito, ayon sa Mactan International airport. Malinaw po ang ginawa nilang panlilinlang at pandaraya. Ang naging kabayaran: buhay ng tatlong tao. Sintomas po ito sa paglaganap ng katiwalian sa isang sistemang matagal nang umiiral, na isinasaayos na ngayon ng pamahalaan. Hindi po tayo papayag na manatili ang ganitong kalakaran, kaya naman patuloy po ang paglilikom ng iba pang ebidensya upang mapanagot ang sinumang may pagkukulang sa panig ng Aviatour’s, at maging ng CAAP.

Kaugnay nito, inatasan na natin ang DOTC at ang mga bagong mas pinatibay na pamunuan ng CAAP, gayundin ang ilang katuwang na ahensya, upang ipagpatuloy na palakasin at pabilisin ang mga inilalatag nating reporma sa aviation industry. Lahat po ng permit at lisensiyang inaprubahan ng CAAP, muli nating pinapa-audit, at kung may makita tayong dumaan sa shortcut at lumabag sa mga nakasaad sa Philippine Civil Air Regulations, agad po nating babawiin.

Muli rin po nating sinusuri at pinapatibay ang mga alituntunin sa pagpapatakbo ng mga Flying Schools, Air Taxi, Approved Maintenance Organizations, at iba pang grupo na may kaugnayan sa industriyang panghimpapawid sa bansa. Nais nating matiyak na kung hindi ka kwalipikado, hindi ka mabibigyan ng lisensya. Bukod sa pagbuo ng mga pamantayan na magagamit para sa mas epektibong crash rescue operations, inaasahan din natin ang DOTC at CAAP na magpanday ng mga karagdagang mekanismo upang mas mahigpit na maipatupad ang mga regulasyon ng industriya. Mulat din tayong nakasalalay ang kaligtasan ng ating mga pasahero, hindi lamang sa modernisasyon ng ating air navigation systems, kundi maging sa uri ng pamunuan na mangangasiwa sa CAAP. Obligasyon ng pamunuan ng CAAP na tiyaking may kakayahan at may integridad ang kanilang tauhan. Susuportahan natin sila dito, gayundin sa iba pa nilang layunin at pangangailangan tungo sa mas matatag at mas ligtas na industriyang panghimpapawid.

Ayaw na nating mangyari ang ganitong trahedya sa kahit kanino. Wala ni sinuman sa atin ang gugustuhing mawalan ng magulang, ng anak, o ng kaibigan dahil lamang sa katamaran, pagkukulang, o panlalamang ng iba. Higit sa luha’t pagluluksa, higit sa mga parangal at pagkilala, tiyak pong mas makabuluhan, at mas gugustuhin ni Jesse kung may matutuhan tayo sa trahedyang sinapit niya. Huwag nating hayaan na mapunta sa wala ang kaniyang pagkawala. Nawa’y manatiling bukal ng inspirasyon ang alaala ni Jesse, upang ang mga katangiang araw-araw na gumabay sa kanya - pagpapakumbaba, tapat na paglilingkod, malasakit sa kapwa - ay siya ring manahin at sumalamin sa patuloy nating pagkilos bilang isang bansa.

Magandang hapon po. Maraming salamat.

0 comments:

Post a Comment

 
Design by Free WordPress Themes | Bloggerized by Lasantha - Premium Blogger Themes | Justin Bieber, Gold Price in India